Ni Fer Taboy
Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) makaraang makaengkuwentro ang militar sa Sitio Anapla sa Barangay Don Pedro, Oriental Mindoro, iniulat kahapon.
Sinabi kahapon ng 203rd Brigade ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, na nagsasagawa ng security operations sa Sitio Anapla sa Bgy. Don Pedro ang tropa ng 4th Infantry Battalion, dakong 8:30 ng gabi nitong Martes nang makasagupa ang tinatayang 10 rebelde.
Tumagal nang ilang minuto ang bakbakan hanggang sa napatay ang isang rebelde.
Narekober ng militar sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang .45 caliber pistol, dalawang galon ng iba’t ibang bala, 100 magazine ng M16, at tatlong motorsiklo.
Wala namang iniulat na nasugatan sa panig ng mga sundalo.
Pormal nang idineklara ni Pangulong Duterte nitong Martes ng gabi ang NPA bilang grupo ng mga terorista ilang linggo makaraang opisyal nang kanselahin ng gobyerno ang usapang pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF)-NPA.