Moira, Libertine at Lolito
Moira, Libertine at Lolito

ANG masayang awiting Titibo-Tibo na tungkol sa boyish na babae na hindi inaasahang umibig sa isang lalaki, likha ng composer na si Libertine Amistoso at kinanta ni Moira dela Torre, ang nagwaging Best Song at inihayag na grand winner sa pinakamalaking songwriting competition sa bansa -- ang Himig Handog 2017 -- sa finals na ginanap sa ASAP kamakailan.

Tinalo ni Amistoso ang siyam na song grand finalists na napili mula sa halos 7,000 entries, at tinanggap niya ang inaasam na P1 million cash prize. Ang masayang awitin mismo ang kanyang naging lucky charm.

“Hindi siya ‘yung tulad ng iba na more on hugot, o sakit, itong song happy siya. Happy ending ang content niya,” kuwento ng composer sa isang interview.

Makalipas ang 31 taon: Pulis, nahanap at muling nakasama ang Koreanang ina

Tinanghal namang 2nd Best Song and makabagbag-damdaming awitin ni Jona na Sampu, likha ng mga composer na sina Raizo Chabeldin at Biv de Vera, at ang Extensyon naman ni Iñigo Pascual kasama si Aikee, komposisyon ni Michael “Aikee” Aplacador ang 3rd Best Song.

Ang Wow Na Feelings na sinulat ni Karlo Zabala at inawit ni Janella Salvador ay kinilala namang 4th Best Song pati na rin bilang TFC’s Global Choice for Favorite Song.

Napili namang 5th Best Song ang Tanghaling Tapat na inawit ng Unit 406 at isinulat ng lead singer nito na si Gabriel Tagadtad.

Tumanggap ng P500,000 ang kompositor ng 2nd Best Song, at ang composers ng 3rd, 4th, at 5th Best Songs ay nagwagi ng P200,000, P150,000, at P100,000 ayon sa pagkakasunod.

Tatlong special awards naman ang tinanggap ng Tayo Na Lang Kasi na kinanta nina Jason Dy at Kyla at sinulat ni Soc Villanueva. Kasama dito ang MOR’s Choice, One Music PH’s Choice for Favorite Interpreter, at MYX Choice for Best Music Video. Ang Meridian International College, isa sa sampung school participants, ang gumawa ng Tayo Na Lang Kasi official music video.

Ang Star Music Listeners Choice special award ay iginawad naman sa The Labo Song ng composers na sina Karl Gaurano at Teodoro Katigbak at kinanta ni Kaye Cal.

Bukod sa mga nabanggit, kabilang din sa finalists ng kompetisyon ang Bagyo ni Agatha Morallos na inawit ni Jake Zyrus, Bes ni Eric de Leon na kinanta ni Migz Haleco, at Naririnig Mo Ba? nina LJ Manzano at Joan Da na inawit ni Morissette.

Ikawalong taon na ngayon ang Himig Handog ng ABS-CBN at Star Music. Nagsimula ito noong early 2000s at binuhay muli noong 2013. Marami sa mga awiting naging bahagi ng patimpalak ang sumikat at napiling theme songs ng ilan sa mga programa sa telebisyon at mga pelikula. Ang ilan sa nakaraang songwriters at interpreters ay unti-unti na ring nagmamarka sa larangan ng OPM.

Mabibili na ang Himig Handog 2017 album sa record bars nationwide sa halagang P250 at maaari ring i-download sa digital stores worldwide.