Ni: Fer Taboy
Sinibak sa puwesto ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ang director ng ahensiya sa Region 12 dahil sa pagnanakaw umano ng ilang tauhan nito.
Inamin mismo ni Director Gil Cesario Castro ang pagsibak sa kanya ni Aquino bilang hepe ng PDEA-12 nitong Nobyembre 30.
Ayon kay Castro, ang pagsibak sa kanya ni Aquino ay dahil sa mga reklamong nakarating sa huli tungkol sa reklamo ng pagnanakaw umano ng ilang tauhan ng PDEA-12 sa mga operasyon.
Nag-umpisa ang kontrobersiya nang inakusahan ang ilang tauhan ni Castro ng pagnanakaw umano ng mga mamahaling gamit sa bahay ni Abdul Wahid Bualan, chairman ng Barangay Tambler sa General Santos City, nang salakayin ito.
Itinalaga bilang kapalit ni Castro si Director Jett Cariño, na mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at dating imbestigador sa PDEA central office.