Ni DINDO M. BALARES
ISINILANG sa gitna ng isa sa pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang diyaryong ito, Balita.
Nang ibagsak ang martial law noong 1972, sinarhan ang lahat ng mga pahayagan at iba pang mga institusyon ng pamamahayag. Pero nagpatuloy sa paglilimbag ang lingguhang Liwayway na naglalabas ng literatura, na hindi itinuring na banta sa seguridad ng pamahalaan noon.
Bagamat sumikat sa kinagigiliwang mga nobela, maikling kuwento, tula at mga artikulo tungkol sa mga artista, tahanan at pamilya, mayroong suplementong Balita ng Maynila sa gitna ang Liwayway.
Ang suplementong ito ang ipinagpaalam ng pamunuan ng publikasyon sa Malacañang, at dahil kilala namang developmental ang approach, pinahintulutan.
Ito ang kuwento sa likod ng naging bukambibig nang “anak ng Liwayway ang Balita.”
Tila nagsilbing munting bituin sa karimlan ng gabi ang Balita na agad tinangkilik ng publiko na nasabik sa mga bagong impormasyon.
Pero pagkaraan ng 46 na taon, kahit matikas at matipuno na ay ipinagmamalaki pa rin ng anak na dala-dala pa rin nito ang mga katangian at tradisyon ng magulang. Ipinagpapatuloy ng Balita ang malinis at wastong paggamit ng wika, pero hindi rin naman nagpapakamakaluma dahil lagi itong bukas sa mga bagong salita na nahuhubog ng bagong henerasyon.
Hindi rin tumatalikod ang Balita maging sa mabubuting kaugaliang Pilipino, at pinapanatili ang values na ito ng mga kawani ng editoryal -- sa paniniwalang hindi man madalas maisulat ay naihahatid sa mambabasa ang uri ng pagsasamahang ito sa pamamagitan ng bawat isyu o bawat kopya ng pahayagan.
Ang tradisyong ito sa editoryal na nanggaling pa sa pinakaunang pamilya ng mga kawani sa Liwayway ay hindi naputol kahit moderno na ang panahon. Tradisyunal na pamilyang Pilipino ang modelo ng pagpapatakbo sa patnugutan ng Balita.
Kaya huwag nang magtaka kung bakit hanggang ngayon ay sinasabi pa rin ng mga mambabasa na Balita pa rin ang pahayagan na hindi mo ikahihiyang iuwi sa bahay. Ito rin ang dahilan kung bakit Balita ang matatagpuan sa mga library ng mga pampubliko at pampribadong paaralan.
Naging institusyon na ang Balita sa pagiging tanglaw sa dumarating-umaalis na mga krisis o kadiliman sa bansa.