Ni: Marivic Awitan
Laro Ngayon
(MOA Arena)
4 n.h. -- La Salle vs Ateneo
Ateneo vs La Salle sa Game 1 ng UAAP men’s basketball title.
MAY sugat na hindi mahilom nang panahon sa pagitan ng Ateneo at La Salle sa UAAP men’s basketball.
Bawat kampo ay determinadong makaangat laban sa isa’t isa at hindi maisasantabi ang Season 80.
Muling mabubuhay ang hidwaan sa pagitan nang mahigpit na magkaribal na Blue Eagles at Green Archers sa muling pagtatagpo sa championship series ng premyadong basketball league sa bansa.
Nakatakda ang Game 1 ng kanilang best-of-three title series ganap na 4:00 ng hapon sa MOA Arena.
Patas sa 1-1 ang head-to-head duel ng magkaribal ngayong season, tampok ang panalo ng Green Archers sa pagtatapos ng double-round elimination kung saan binigo ng Taft-based cagers ang pakikipagtipan ng Blue Eagles sa kasaysayan nang tangkaing walisin ang 14-game eliminations.
Sa kabila ng natamong kabiguan sa huling laban nila na nasundan pa ng kabiguan sa unang duwelo sa Final Four kontra Far Eastern University, naniniwala si Ateneo coach Tab Baldwin na nakahanda na ang kanyang Blue Eagles na ikampay ang mga pakpak tungo sa pedestal.
“We’re a better team now. As simple as that. We’ve proven we’re a better team all year long,” pahayag ni Baldwin.
Kumpiyansa ang beteranong international mentor matapos na muntik ng mawalis ng kanyang Blue Eagles ang Green Archers sa elimination kung hindi lamang sa mga endgame lapses nila noong second round na aniya’y napakalayo sa kanyang team noong isang taon.
“I think apart from one big offensive lapse one period against La Salle, we’ve proven as good as they are — we had a terrible offensive lapse in the fourth quarter of the second game and it cost us the game,” aniya.
“I don’t expect that my team will do that again. But we have to get ourselves into a winning position first.”
Ipinagmalaki rin ng Blue Eagle mentor ang ipinakitang karakter ng kanyang koponan sa do-or-die game nila ng Tamaraws.
“FEU was so tough. But we got there in the end, so kudos to the guys. Their character was showing through late in the game and I’m proud of them.”
Ayon pa kay Baldwin, handa na silang sumabak sa championship at ito ang susunod nilang patutunayan.
“We didn’t play this season just to win in the semis. We played this season to go as far as this team is capable of going.”
Sa kabilang dako, tila naramdaman at nakita ng Green Archers ang matinding laban na kakaharapin kung kaya nagsagawa sila ng “closed door practices “ habang off limits din sa interview ang kanilang mga players upang makapag focus sa finals.
Gayunman, sa naunang panayam kay Archers coach Aldin Ayo, sinabi nitong mamka-focus lamang sila sa game plan partikular sa depensa at walang motivation kundi ang mapanatili ang kanilang titulo.
“Wala namang bang motivation kung hindi championship. Walang hugot o ano. Championship lang ang pinag-uusapan namin, “ ani Ayo.
Gaya ng dati, aasahan ni Baldwin para sa tangkang malakas na pagkampay tungo sa mataas na lipad ng Blue Eagles sina Thirdy Ravena, Isaac Go, Matt at Mike Nieto, Chibueze Ikeh, Vince Tolentino, Aaron Black at Anton Asistio.
Sa kabilang dako, sasandigan naman ni Ayo upang tumimo sa target ang palaso ng Green Archers si back-to-back MVP Ben Mbala, Ricci Rivero, Kib Montalbo, Abu Tratter, Justine Baltazar, Santy Santillan, Aljun Melecio at Andrei Caracut.