Ni: Fer Taboy
Limang katao ang namatay at walo ang malubhang nasugatan nang mahulog sa bangin ang isang truck sa Aleosan, North Cotabato, nitong Miyerkules ng hapon.
Sa report na tinanggap ni Senior Inspector Edwin Abantes, hepe ng Aleosan police station, hindi pa makuha ang pangalan ng mga biktima ngunit karamihan sa mga ito ay mula sa tribong Manobo.
Lulan ang mga biktima sa truck na may kargang tubo at pagsapit sa Barangay New Leon Aleosan, nawalan umano ng preno ang truck at nahulog sa bangin sa gilid ng kalsada.
Agad namatay ang tatlong pasahero, habang idineklarang dead on arrival sa ospital ang dalawa.
Nasa ospital din ang walong pasaherong sugatan.
Ayon sa driver na si Anwar Ampatuan, hindi na niya nakontrol ang manibela nang mawalan ng preno ang truck.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.