Ni: Marivic Awitan

TAAS noo at may ngiti sa labi na hinarap ni season MVP CJ Perez ang mga tagahanga at tagasuporta ng Lyceum of the Philippines.

Wala na ang bakas ng pagluha, ngunit ramdam pa rin ang panghihinayang matapos mabalewala ang pinaghirapang 18-0 sweep sa elimination at panooring magdiwang sa center court ng Araneta Coliseum ang San Beda Red Lions.

“It’s a good experience pa rin para sa amin. ‘Di kami mag-excuse na first time namin. Ibinigay namin yung best effort namin sa game na to, pero talagang nasa kanila ang suwerte,” pahayag ni Perez.

Sen. Pia Cayetano umalma sa bagong polisiya ng UAAP; labag daw sa batas?

“Babawi kami, madami pa ‘yan. Hindi naman dito magtatapos ang aming career sa basketball,” aniya.

Nakabungad ang Pirates sa kasaysayan nang magawang mawalis ang 18-game double elimination at makausad sa championship round sa unang pagkakataon mula nang lumahok sa liga noong 2010.

Pinatunayan ni Perez na karapat-dapat syang tanghaling pinakamahusay na manlalaro ng liga sa itinalang average na 23.5 puntos, 5 rebounds, 3.5 assists at 1.5 steals sa championship series.

Ngunit, sinamang-palad ang Pirates na kinabog sa Finals laban sa mas makaranasang San Beda Lions.

Umaasa ang league MVP na sa susunod na taon sakaling palarin muli ang Pirates ay alam na nila ang dapat gawin.

“Siguro mas composed sila sa endgame. Pero para sa amin, magandang season pa rin ito. Masaya kami kasi atleast, binigay namin ‘yung best namin at wala kaming pagsisihana yun nga lang, nabitin, pero magandang experience ito para sa amin,” sambit ni Perez.

“Hindi sa akin ‘yun nag-umpisa. Siyempre, nagsimula yun sa coach, di ba. Nung nagpapanalo na kami, ‘di kami nagbibitaw sa isa’t-isa. ‘Di sa akin nag-umpisa, sa amin nag-umpisa yung culture,” aniya.

“Hindi ‘yun magbabago. Kahit matapos yung season, ‘di kami maghihiwa-hiwalay,” pagtatapos ni Perez.