Ni CAMCER ORDOÑEZ IMAM
CAGAYAN DE ORO CITY – Hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nanambang sa sasakyan ng hepe ng pulisya ng Bombayan, Lanao del Sur, na ikinasawi ng isang tauhan nito at ikinasugat naman ng hepe at dalawang iba sa Talakag, Bukidnon nitong Huwebes ng hapon.
Nasawi rin ang apat na buwang sanggol na sakay sa sasakyang kasunod ng Mahindra vehicle ng mga pulis.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si SPO3 Arnel P. Carillo. Hindi pa kinilala ang sanggol, na nasapol ng bala sa noo, habang sinusulat ang balitang ito.
Nasugatan sa ambush sina Insr. Joven Acuesta, hepe ng Bombaran Municipal Police; SPO1 Pacifico Cabudoy; at PO1 Nathaniel Ibal.
Nangyari ang ambush bandang 5:30 ng hapon sa Km. 28 sa Barangay Tikalaan sa Talakag at New People’s Army (NPA) ang pinagsususpetsahan.
Nasugatan din ang dalawa sa pitong pasahero ng Toyota Fortuner (UNI-707), kung saan lulan ang sanggol, na sina Ali Citi, 53, na nabaril sa kaliwang dibdib; at Ali Aminsalam, 37, na nasugatan naman sa kanang braso.
Ayon sa report mula sa Bukidnon Police Provincial Office, patungo sa bayan ng Wao sa Lanao del Sur mula sa Cagayan de Oro City ang Fortuner nang madamay ito sa pananambang.
Kinumpirma ni Police Regional Office (PRO)-10 director Senior Supt. Benedicto Pintor na NPA ang nagsagawa ng ambush, bagamat hindi pa nagpapalabas ng pahayag ang kilusan tungkol sa insidente habang isinusulat ang balitang ito.