Hindi nagtagumpay ang Pilipinas na makakuha ng non-permanent seat sa United Nations Security Council para sa taong 2027 hanggang 2028.
Ito ay matapos makuha ng bansang Kyrgyzstan ang naturang puwesto para sa Asia-Pacific seat nitong Huwebes, Hunyo 4.
Sa isinagawang fourth round of voting, nakatanggap ng 142 na boto ang Kyrgyzstan—na siyang pasok sa kinakailangang “two-thirds” upang maipanalo ang puwesto.
Samantala, nakakuha naman ng 49 na boto ng Pilipinas sa huling round ng botohan.
Sa tatlong naunang botohan, makikitang lamang din ang Kyrgyzstan kontra sa Pilipinas.
Sa una, lamang ang Kyrgyzstan sa botong 105 kontra sa 85 ng Pilipinas; ikalawa, 110-81; at ikatlo, 123-68.
Matatandaang lumipad noong Marso patungong New York si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. upang tiyaking makakukuha ng non-permanent seat ang bansa sa UN Security Council.
KAUGNAY NA BALITA: UN Security Council, magbibigay sa PH ng boses na kasinghalaga sa 'malalaking bansa'—PBBM-Balita