April 10, 2026

Home BALITA National

UN Security Council, magbibigay sa PH ng boses na kasinghalaga sa 'malalaking bansa'—PBBM

UN Security Council, magbibigay sa PH ng boses na kasinghalaga sa 'malalaking bansa'—PBBM
Photo courtesy: PCO


Inilahad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na malaking tulong daw para sa Pilipinas na makapasok bilang isang non-permanent member ng United Nations (UN) Security Council.

Sa ikinasang “Kapihan with the Media” noong Martes, Marso 10 sa New York, United States (US), iginiit ni PBBM na ito raw ay magbibigay ng boses sa bansa na singhalaga ng sa malalakas at mayayamang bansa.

“Malaking bagay sana tayo ay mapagbigyan at maging non-permanent member ng security council. Uupo tayo sa security council, which is the guiding body of the United Nations,” saad ni PBBM.

Aniya, “Doon dine-decide kung ano ang mga isyu na dapat talakayin ng United Nations—mga general assembly ng pag-uusapan and all the other issues around the world.”

“Ito’y magbibigay ng boses para sa Pilipinas na kasinghalaga ng boses ng mga malalaking bansa—the rich and powerful nations that already seat[ed] as permanent members of the security council,” dagdag pa niya.

Anang Pangulo, ang pagiging miyembro rin daw ng bansa sa naturang body ay hindi lamang para sa Pilipinas, kung hindi para din sa mga middle income countries, developing nations, at sa iba pa.

“But we have to look beyond just the Philippines and what it can do for the Philippines. Dahil ito talaga ay bilang mapatibay pa ang ating partnership with the UN na matagal na,” anang Pangulo.

Giit niya, “We have been working together with the UN since 1945 on many of the most important issues, and so, it is really to strengthen that partnership, and it is not just about the Philippines. It is about being a representative voice for middle-income countries, for developing countries, for the Indo-Pacific region, which is now really the driver of a great deal of the global economy of geopolitics—kaya’t napakahalaga na magkaroon tayo ng boses sa ganiyang klaseng body na napakaimportante at napakataas.”

“Tayo’y magiging boses hindi lamang para sa Pilipinas kung hindi sa iba’t ibang bansa [r]in,” pagtatapos niya.

Sa kaugnay na balita, matatandaang nakatanggap ang Pilipinas ng mabubuting salita mula sa secretary general ng UN na si Antonio Guterres, dahil umano sa promosyon nito ng kapayapaan at demokrasya.

MAKI-BALITA: UN Sec-Gen. Guterres, pinuri Pilipinas sa promosyon ng peace, democracy sa bansa-Balita