Ni: Jimi Escala
DAHIL sa donasyong isang milyong piso para sa rehabilitation ng Marawi, iniintriga si Piolo Pascual. Nagmamayabang daw si Papa P at ibinalandra pa ang tsekeng ibinigay para sa mga kababayan natin sa Marawi.
Agad namang nagpaliwanag si Piolo na hindi ‘yun pagmamayabang. Naniniwala si Piolo na malaki ang impluwensiya ng mga kagaya niyang celebrity sa publiko. Umaasa siya na sa ginawa niya ay may susunod na mga kababayan nating handang magbigay ng pinansiyal na tulong para madaling makabangon ang Marawi.
“You can probably use your influence to also encourage other people to help,” sabi ni Papa P.
Hindi kaila sa mga mas nakakilala na madaling lapitan si Piolo Pascual. At sa mga hindi nakakaalam, maraming organisasyong tinutulungan ang kapamilya aktor. Hindi nga lang ugali ni Piolo na ibandera sa lahat ang ginawa niyang pagtulong.
Kung may mga nayayabangan man daw sa ginawang pagpo-post ng tsekeng ibinigay na tulong ni Piolo ay hindi na ‘yun kasalanan ni Papa P. Katunayan, hindi si Piolo kundi ang kasamahang aktor na si Robin Padilla ang nag-post ng ibinigay na tseke ni Piolo sa personal IG account ng una.
Likas naman talagang matulungin si Piolo pero kadalasan ay hindi niya alam kung sino ang lalapitan at kung paano at kanino ipagkatiwala ang tulong niya. Kaya sa pamamagitan ni Robin Padilla na isa sa punong abala para sa rehabilitation ng Marawi City ay naiabot agad ni Piolo ang kanyang tulong.
Dagdag kuwento ni Papa P, sa kanyang kaibigan at kasosyo sa pagpo-produce ng pelikula na si Direk Bb. Joyce Bernal nakuha ang ideya para tumulong sa muling pagbangon ng Marawi City.