May 22, 2026

Home BALITA National

'It's not his desire!' Sen. Alan, dinepensahan si Sen. Bato sa 'di pagpasok sa Senado

'It's not his desire!' Sen. Alan, dinepensahan si Sen. Bato sa 'di pagpasok sa Senado
Photo courtesy: File Photo

Ipinagtanggol ni Sen. Alan Peter Cayetano si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na tila katanggap-tanggap naman umano ang dahilan ng huli kung bakit hindi ito pumapasok sa Senado. 

Ayon sa naging pahayag ni Cayetano sa isang ambush interview ng media nitong Martes, Abril 28, 2026, sinabi niyang hindi naman “by desire” o mula sa kagustuhan ni Dela Rosa ang pagliban niya sa mga sesyon ng Senado.

“It is not by desire of Senator Bato na huwag siyang pumasok. That’s the difference,” pagsisimula niya. 

Paliwanag niya ,”Kung may hindi pumupunta for another reason, inuna ang negosyo, tinatamad. Pero kapag may rason, may sakit, o kaya on official business, in this case, may threat, e.” 

Ani Cayetano, lalo raw kasing lumabo ang pahayag ng Department of Justice (DOJ) noon na may karapatang tumakbo at sumunod si Dela Rosa sa Korte Suprema. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Sa kabila nito, may karapatan pa rin naman daw ang gobyerno na arestuhin si Dela Rosa at ipadala sa The Hague, Netherlands, kung totoong may warrant of arrest talaga ang International Criminal Court (ICC) laban sa nasabing senador. 

Diin niya, “Then nag-announce ‘yong ICC na meron silang tinatawag na secret warrant. Hindi po ‘yon ‘yong ating Konstitusyon.” 

Depensa ni Cayetano, hukom lang daw ng Pilipinas ang may kapangyarihan na mag-isyu ng warrant of arrest kaya dapat na dumaan muna sa mga hukom ang mga sabi-sabing warrant of arrest ng ICC. 

“Sa ating Konstitusyon, huwes lang ang puwedeng mag-issue ng warrant of arrest. Kaya kung may warrant of arrest galing sa abroad, dadaan pa dapat sa ating judge ‘yon. ‘Yon ang stand namin,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Cayetano, may nakausap daw siyang malapit kay Dela Rosa at sinabi nitong papayag daw ang senador na arestuhin siya kung masisigurado nilang magkakaroon sila ng day in court. 

“I talk to someone very close to him, ang sabi, ‘Simple lang, Sir. Ma-assure lang kami ng Philippine government na may day in court siya dito sa Pilipinas. Kahit arestuhin siya dito sa Pilipinas,’” ‘ika ng nakausap ni Cayetano. 

“Pero ‘yong sasabihin na puwede siyang kunin at dadalhin siya sa ibang bansa ay maninindigan siya,” pagtatapos ni Cayetano. 

Matatandaang nagsimulang hindi pumasok sa Senado at magtago sa publiko si Dela Rosa matapos ang noo’y kumpirmasyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na mayroon na raw gumugulong na arrest warrant laban sa senador.

Noong Abril 8, naitalang si Dela Rosa ang may pinakamaraming absent sa Senado bunsod pa rin ng kaniyang pagtatago.

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato Dela Rosa, numero unong puro absent sa Senado!

KAUGNAY NA BALITA: ‘Culprit din ako do’n!’ Sen. Robin, aminadong siya nag-udyok na magtago si Sen. Bato