Naurirat ang Kapuso actor na si Jon Lucas kaugnay sa kinasangkutang kontrobersiya ng dati niyang kagrupo sa Hashtags na si Nikko Natividad.
Matatandaang isa si Nikko sa binansagang "Big Four" o apat na aktor na nadawit sa magkakahiwalay na insidente ng pagkalat ng maselang video sa social media, na pinagpipiyestahan at pinagkakakitaan pa.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Lunes, Abril 27, sinabi ni Jon na kinumusta agad niya si Nikko matapos pumutok ang isyu nito.
Aniya, “Minessage ko siya kaagad, Tito Boy. Kinumusta ko siya. Siyempre, inisip ko kaagad 'yong family niya. And sign of respect na rin siguro for Nikko, hindi ko talaga pinanood 'yong video.”
“So napatunayan ko na lang din na totoo mula noong naglabas ng statement ang family niya—siya at 'yong wife niya,” dugtong pa ni Jon.
Ayon sa aktor, nagkaroon umano sila ng konting kuwentuhan ni Nikko. Ngunit hindi na raw siya nag-usisa pa ng ibang detalye tungkol sa nangyari.
Dagdag pa ni Jon, “Basta nagsabi na lang ako na sobrang powerful na ng message ng wife niya para [magbigay] pa ako ng ibang payo.”
Kaya naman paalala niya sa kaibigan, huwag na raw sana nitong ulitin pa ang ginawang pagkakamali kung pinatawad na siya ng misis nito.