Ni: Lyka Manalo

TANAUAN CITY, Batangas - Apat ang patay, kabilang ang isang pulis, matapos na salpukin ng rumaragasang 10-wheeler truck ang dalawang tricycle sa Tanauan, City, Batangas kahapon.

Ayon kay Supt. Renato Mercado, hepe ng pulisya, namatay sa aksidente ang driver ng Kawasaki tricycle na walang plaka na si Raymond Llenado, 27 anyos.

Nasawi rin ang pasahero ni Llenado na sina PO3 Marqueses Valentino, nakatalaga sa Police Community Relations (PCR) ng Camp Vicente Lim sa Laguna; Marbel Itoralde, 22; at Nanette Aton, 37, pawang taga-Barangay Santor sa lungsod.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sugatan naman ang iba pang pasahero ni Llenado na sina Juveline Kaye Castillo, 23; at Lalaine Gabriel, 49 anyos.

Dakong 7:00 ng umaga nang sumalpok umano ang truck na minamaneho ni Richard Lozano, 32, sa sinusundan nitong tricycle, na minamaneho ni Llenado.

Nabangga rin ng truck ang isa pang tricycle (3426-DY) na minamaneho ni Vicente Castillo, 65, ng Bgy. Altura Matanda, at nasugatan ang mga pasahero niyang sina John Rowell Macaraig, 17; Erwin Latarya, 20; Jarneil Gatpayat, 17; Charles Joshua Castillo, 17; at Lester John Salazar, 18 anyos.

Pawang isinugod sa CP Reyes Hospital at Daniel Mercado Medical Center ang mga biktima.

Naaresto ang truck driver.