Ni: Joseph Jubelag

PALIMBANG, Sultan Kudarat – Sinalakay ng mga anti-narcotics agent nitong Lunes ang isang plantasyon ng marijuana sa Palimbang, Sultan Kudarat, at binunot ang mga halaman ng marijuana na nagkakahalaga ng aabot sa P1 milyon.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 12 Director Cesario Gil Castro, kasama ang mga tauhan ng Philippine Marines ay sinalakay nila ang liblib na Barangay Napnapon sa Palimbang, kasunod ng impormasyong natanggap nila na mayroong plantasyon ng marijuana sa lugar na pinangangasiwaan ng isang “Motmot Sakay”.

Gayunman, nakatakas si Sakay sa kasagsagan ng anti-drug operation.

Probinsya

Nasa 4,000 mga labi, apektado ng konstruksyon sa isang sementeryo sa Cebu

Kilala sa pagbebenta ng marijuana sa lugar, kakasuhan si Sakay sa pagtatanim ng mga halamang maituturing na dangerous drug.

Nito lamang Nobyembre 4 ay sinalakay din ng PDEA ang isa pang plantasyon ng marijuana sa liblib na Bgy. Sumalili sa Arakan, North Cotabato.

Nakumpiska ang mga halaman at binhi ng marijuana na nagkakahalaga ng P500,000 mula sa nagtatanim nitong si Jerome Tulosan, 25, na isa sa big-time marijuana trafficker sa North Cotabato.

Sinilaban naman ng raiding team ang mga nasamsam na halamang marijuana sa lugar.

Nakasuhan na si Tulosan, na nakapiit ngayon sa detention facility ng PDEA-Region 12 sa General Santos City.