Binira ng grupong Mayors for Good Governance (MGG) ang pagsipot sa Senado ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kamakailan matapos nitong lumiban nang kalahating taon dahil sa napipintong pag-aresto.
Kinumpirma na ng International Criminal Court (ICC) na opisyal ang warrant of arrest na kumakalat sa media noon pang Nobyembre 2025.
Maki-Balita: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa
Sa latest Facebook post ng MGG nitong Lunes, Mayo 25, sinabi ng mga alkaldeng miyembro ng grupo na hindi umano katanggap-tanggap ang kapabayaan at pagtalikod ni Sen. Bato sa taumbayan na nagpapasahod sa mga tulad nilang lingkod-bayan.
Anila, “Hindi katanggap-tanggap ang ganitong klase ng pagtalikod at pagpapabaya para sa atin na pinapasahod ng taumbayan, habang araw-araw na humaharap ang ating mga mamamayan sa kahirapan, mataas na presyo ng bilihin, at krisis sa kabuhayan.”
“Malaking insulto ito para sa milyon-milyong Pilipino na nagsisikap at nagtitiis para maitawid ang mga sarili at kanilang mga pamilya,” dugtong pa ng MGG.
Kaya naman, panawagan nila sa mga senador, “Ang Senado ay hindi dapat maging kanlungan ng absenteeism at pagtatakipan. Hindi dapat pinoprotektahan ang isang halal na opisyal na umiiwas sa kanyang mga responsibilidad habang patuloy na tumatanggap ng sahod mula sa taumbayan.”
Lampas limampung alkalde ang pumirma sa nagkakaisang pahayag na ito ng MGG kabilang sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Pasig City Mayor Vico Sotto, at iba pa.
Matatandaang nauna nang naghayag ng sariling saloobin si Mayor Vico kaugnay sa nangyaring kaguluhan sa Senado noong Mayo 13. Hinimok niya na magbantay at magdasal ang publiko.
Maki-Balita: Mayor Vico Sotto sa kaguluhan sa Senado: 'Ngayon ko lang nakita!'