Ni NORA CALDERON

ILANG araw nang lumalabas ang mga write-up na diumano’y inirereklamo si Marian Rivera ng kanyang mga katrabaho sa Super Ma’am. Mahirap daw katrabaho at unprofessional.  

Pero pinabulaanan ito ng co-stars ni Marian dahil wala naman daw katotohanan ang write-ups na lumalabas.

Dingdong
Dingdong Dantes
Nagsalita na ang ilan sa kanila tulad nina Andrew Gan, Jerald Napoles, Shyr Valdez, si Ms. Helen Gamboa, at maging ang teenstars na kasama nila sa serye na gumaganap bilang mga estudyante ni Super Ma’am/Minerva. Iisa ang sinasabi nila, “Ang bait-bait ni Ate Yan, wala siyang reklamo sa ginagawa niya kahit may mga eksena siyang alam naming nasasaktan siya.

Tsika at Intriga

'Pati aso dinamay!' Nananahimik na si Daniel, nakaladkad dahil kay Anthony

Hindi na rin nakatiis maging ang husband ni Marian na si Dingdong Dantes na naglabas na ng saloobin sa pamamagitan ng isang open letter sa isang entertainment columnist. Para kay Dingdong, malisyoso ang write-ups dahil hindi naman pinatutunayan ng isang reliable source. Para sa kanya, ang ganitong kaganapan sa set kung mayroon man ay dapat manggaling sa top executive-on-location.

Agad na ring nagsalita si Ms. Nieva Sabit, executive producer ng Super Ma’am. Aniya, nakasama na niya si Marian simula pa sa una pa lamang nitong teleserye sa GMA na Marimar at noon pa ay minahal na siya ng mga co-stars niya sa set.

“Sa Super Ma’am I’ve witnessed how she would willingly perform even the most dangerous stunts and execute each one to the best that she can.  And despite the demands of being a mother, she is always willing to adjust to unavoidable production constraints.”

Kaya ang tanong ni Dingdong, kung mayroong tao na maaaring sumagot tungkol sa kahit anumang nangyayari sa set – mula sa cellphone numbers, hanggang sa kahuli-hulihang pako at tissue na ginagamit sa paglikha ng isang show, ang EP lamang. Kaya saan daw nakuha ng “source” ng writer, na itinatago nito, ang kuwento?  

Lumalabas daw na ang writer ay tulad din ng ibang nagkakalat ng maling balitang nakakasira sa lipunan. Pero huwag daw itong mag-alaala, pinatatawad na ito ni Dingdong, pero hindi niya nagustuhan ang lantarang pang-iinsulto at paninira sa kanyang asawa.  

Bilang mga artista, normal daw silang mabatikos at tinatanggap nila iyon, maliban na lamang kung hindi ito objective at constructive, kundi personal at below the belt na ang sinusulat at umaabot na sa “name calling.”

“Hindi ko aalisin sa iyo kung may pait ka sa puso mo, karapatan mo iyan.  Pero ang hindi ko hahayaang mabastos ang asawa ko, gamit ang iyong pananalita.  Sayang ibinababa mo ang standard ng entertainment writing.  Hindi kasi ganyan ang pagkakakilala ko sa mga respetadong manunulat na marami sa kanila ay kaibigan ko at tinitingala ko.

“Lahat naman po tayo ay nagkakamali, hindi ko kayo huhusgahan, ngunit walang sinuman, lalo na sa isang katulad mong may “accountability” sa publiko, ang pwedeng umabuso sa kahit kanino.  Hinding-hindi ko papayagang may umabuso at bumastos sa pamilya ko – lalo na sa asawa’t anak ko.

“Media, aside from providing entertainment, should more importantly be a source of reliable information which can be educational and inspirational.  If this is the kind of entertainment you are into, then, we do not want to be a part of it.  I believe that our audience, our listeners and our readers deserve more, especially the young ones.

“Heart over hate, ‘ika nga sa GMA – kung saan ka dati kabilang.”