Ni: Mary Ann Santiago
Pumalag ang isang transport group sa desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mabigyan ng ‘year-round’ discount sa pasahe ang mga estudyante.
Ayon kay Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) President George San Mateo, hindi ang gobyerno at sa halip ay ang mga driver ng mga public utility vehicle (PUV) ang makararamdam ng epekto ng naturang desisyon ng LTFRB, lalo na kapag bakasyon na, kung kailan kakaunti ang pasahero.
Nilinaw naman ni San Mateo na hindi nila tinututulan ng PISTON ang pagbibigay ng diskuwento sa mga estudyante, kundi kinukuwestiyon ang LTFRB kung mabibigyan ba ng subsidiya ang mga driver na maaapektuhan sa nasabing polisiya.
Giit ni San Mateo, sa ginagawa ng LTFRB ay ‘tila ang mahihirap pa ang nagsa-subsidize para sa kapwa mahihirap.
Aniya pa, ‘tila gusto pa yata ng gobyerno na pag-awayin ang mga driver at mga estudyante.
Inihayag ng LTFRB nitong Lunes na simula sa Sabado, Oktubre 28, ay magagamit na ng mga estudyante ang 20-porsiyentong diskuwento sa pasahe kahit weekends, holidays, o walang pasok.