Ni: Orly L. Barcala

Kulungan ang kinasadlakan ng isang lalaki nang iuntog nito ang ulo ng babaeng kapwa niya pasahero sa jeep, sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Nahaharap sa physical injuries at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children (RA 9262) si Natahiel Herrera, nasa hustong gulang.

Kuwento ng biktimang si Arlene Otico, 43, bandang 7:00 ng umaga nang sumakay siya sa Malabon City papuntang Monumento Circle sa Caloocan City.

Eleksyon

Abalos, nanawagan ng sapat na pondo para sa kaguruang magbabantay sa eleksyon

Napaupo ang ginang sa tabi ng suspek na may kasama pang dalawang lalaki.

Naramdaman ng ginang na may humihipo sa kanya kaya sinabihan niya si Herrera na isusumbong ito sa pulis kapag hindi itinigil ang ginagawa.

Pagsapit sa Samson Road ay pumara ang tatlong lalaki, pero bago bumaba si Herreraa ay iniuntog umano nito sa jeep si Otico.

Nagsumbong sa pulis ang mga nakakita sa insidente at nahuli ang suspek, habang nakatakas naman ang dalawa niyang kasamahan.

Panay ang hingi ng paumanhin ni Herrera ngunit desidido si Otico na ituloy ang kaso.