Ni NORA CALDERON
MAAGA pa ay puno na ang Mall of Asia Arena, sa first night ng concert ni Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid, titled R3.0 bilang celebration ng kanyang 30th anniversary sa showbiz.
Nagbigay muna ng kanyang saloobin si Regine sa unang gabi ng concert, at nagbalik-tanaw sa kanyang Silver concert five years ago.
Iyon na ang hindi ko malilimutang pangyayari sa buhay ko,” sabi ni Regine. “Ang gabing hindi ko inisip na mawawala ang boses ko. Handang-handa na ako nang mapansin kong nawala ang boses ko. Siguro may gustong sabihin sa akin si Lord, baka hindi ko dapat ipagmalaki ang boses ko, kaya sa gabi pa naman ng concert, saka ito nawala. At simula noon, nawalan na ako ng confidence na kumanta. Yes, nagku-concert pa rin ako, pero hindi ko na solo. At sa tulong nga ni Boss Vic (del Rosario), nang muli kaming magkausap at nabuo ang concert na ito at ang pagbabalik ko sa recording sa Viva Records, baka nga gusto na ni Lord na muli akong kumanta, pero puno na ito ng pasasalamat sa Kanya.”
Alam daw niyang hindi na ganoon kaganda ang boses niya, problema raw ng isang tumatanda nang katulad niya, kaya nang mabuo ang concert at ang recording ng 3-disc album, titled R3.0 rin, nag-voice lessons muli siya at inalam nila kung ano ang dapat niyang gagawin sa gabi ng concert. Pinili ang songs na kakantahin niya sa dalawang gabi, at ang guests na makakasama niya. Iba ang guests niya sa unang gabi, magkaiba rin ang songs, kaya parang nanood ka ng dalawang concert ni Regine kung dalawang gabi kang manonood.
Iba pa rin ang dating ni Regine sa kanyang fans sa loob ng 31 years, maaga pa ay nagka-clamor na sila sa Asia’s Songbird. Hindi naman niya pinagtagal pa ang pagsisimula, kaya 8:30 PM ay malakas na tilian at hiyawan ng fans at mga kaibigan niya. Ilang songs pa lamang ang nakakanta niya nang pinaakyat niya ang 4-year old son niyang si Nate at pinabati sa audience. Matapos bumati, gusto raw ba ng anak na kumanta? Dedicated ni Regine ang song na I Can kay Margot Gallardo, ang yumaong album producer ng soundtrack ng movie na ginawa ni Regine kasama sina Donna Cruz-Larrazabal at Mikee Cojuangco-Jaworski. Concept daw iyon ni Margot.
Iyon ang kinanta ni Nate at maya-maya pa ay nagtilian ang audience nang pumasok sina Donna at Mikee. Galing pa ng Cebu si Donna, lumuwas lamang dito para kumanta at si Mikee ay nag-voice lesson naman para makasama nila. Kasama pa rin nila sa number na iyon si Nate.
Pumasok pagkatapos nila si Ogie Alcasid at may mga banter silang mag-asawa bago nila kinanta ang theme songs ng mga pelikulang ginawa ni Regine na compositions ni Ogie. Fan daw kasi siya ng mga leading men ni Regine tulad nina Aga Muhlach, Robin Padilla, Richard Gomez, Christopher de Leon. Siyempre, hindi nawala ang Kailangan Ko’y Ikaw.
Ang isa pang nakakapanindig-balahibong number ay nang i-present ni Regine ang itinuturing niyang bagong ‘queens’ sa kantahan. Pinalakpakan nang husto ang bawat number nina Aicelle Santos, Jona, Julie Ann San Jose, Morisette, at Angeline Quinto.
“Sila na ang itinuturing kong mga bagong queens sa kantahan at sana suportahan ninyo sila,” sabi niya.
Touching din ang number ng recorded duet noon ni Regine at ng kanyang namayapang ama na si Mang Gerry, ang You’ll Never Know.
“Sa lahat ng mga concert kong ginawa naroon lagi si Mang Gerry, ngayon lamang siya wala na. Inihanda ako ni Mang Gerry at ng pamilya ko. Hinayaan nila akong pumili kung ano ang gusto ko, ang kumanta, iyon ang pinili ko kaya naman nabago ko ang buhay ko at ng pamilya ko sa pamamagitan ng pagkanta. Ang pangalan ko ay Regina Encarnacion, na si Mang Gerry ang nagbigay. Alam ba ninyong ang ibig sabihin ng Regina ay queen? Nang maging manager ko si Ronnie Henares, ginawa niyang Regine Velasquez ang pangalan ko,” kuwento ng Asia’s Songbird.
Isang original song pa ang inawit ni Regine bilang pasasalamat niya sa ama, pero tiyak na hindi lang kami kundi marami pang ibang umiyak nang marinig ang hikbi ni Regine para sa nami-miss na amang naghubog sa kanya. Sinundan niya ito ng inspirational song bilang pasasalamat naman sa Diyo na pinag-aalayan niya ng lahat na ginagawa niya ngayon.
“To God be the Glory,” sabi niya.