Ni: Genalyn D. Kabiling

Aabot sa halos 190 government official ang pinatalsik sa puwesto ni Pangulong Duterte dahil sa umano’y kurapsiyon at pagpapabaya sa trabaho.

Sinabi ng Pangulo na ginagawa niya ang lahat upang matuldukan ang kurapsiyon sa gobyerno matapos niyang pagbitiwin sa puwesto ang nasabing bilang ng mga opisyal at maiwasang madamay sa kahihiyan ang pamilya ng mga ito.

“I said I will stop corruption. I’m doing my best,” sinabi ng Pangulo sa idinaos na federalism summit sa Camarines Sur nitong Martes.

Pagkukumpuni sa San Juanico Bridge, posibleng pumalo ng ₱500M—OCD

“I have fired almost 190. Ayaw ko lang ibulgar. Sinabi ko, ‘Mag-resign ka na lang’,’’ kuwento ng Pangulo.

“Alam mo bakit? Kasi kung titingnan ko, ‘yung mga anak nila, abogado na, doctor na, I do not want to embarrass you publicly. Go. Wala akong sabihin. Basta mag-resign ka lang,” aniya.

Sinabi ni Duterte na sinibak niya kamakailan ang dalawang opisyal ng Pasig River Rehabilitation Commission “for sitting on the papers for almost one year.”

Nagpadala ng liham ang PRRC officials upang humingi ng tawad ngunit huli na ang lahat. Nagdesisyon si Duterte na patalsikin sila dahil sa pagkakaantala ng konstruksiyon ng skyway project sa Metro Manila.

Samantala, ipinaalala ng Pangulo na mayroong isang buwan ang mga cabinet member upang aksiyunan ang project proposals, habang kailangan namang kumilos ang regional directors sa mga natenggang dokumento sa loob ng 15 araw.