Ni: Mary Ann Santiago
Nalagutan ng hininga ang isang lasing nang pagsasaksakin ng kanyang kainuman na tinamaan sa mukha ng basong ibinato niya habang nakikipag-inuman sa isang restobar sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktimang tinatayang nasa edad 35, may taas na 5’7” at nakasuot ng dilaw na t-shirt at itim na shorts.
Nakatakas naman ang itinuturong suspek sa krimen na si Rolly Caballero, 26.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Joel Jasareno, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), naganap ang pananaksak sa loob ng Kalix Restobar, na matatagpuan sa 944 Ilaya Street, kanto ng Padre Rada St., sa Tondo, dakong 8:00 ng gabi.
Kapwa nakikipag-inuman ang biktima at ang suspek sa kani-kanilang mga kaibigan sa magkahiwalay na mesa sa loob ng nasabing restobar.
Marahil sa labis na kalasingan, biglang namato ng baso ang biktima at tinamaan ang suspek sa mukha na labis nitong ikinagalit.
Gumanti umano si Caballero at pinagbabato ng mga bote ang biktima hanggang sa nauwi sa suntukan.
Sa gitna ng kanilang pagsusuntukan, bumunot ng matulis na bagay ang suspek at pinagsasaksak ang biktima sa katawan saka mabilis na tumakas.