Ni: Clemen Bautista

SA mga bayan sa silangang Rizal, ang “ber months” ay panahon ng pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa mga tradisyong namana na nag-ugat na sa kultura ng mamamayan.

Ang mga bayan sa silangan ng lalawigan ay ang Angono, Binangonan, Cardona, Morong, Baras, Tanay, Pililla at Jalajala.

Ang nasabing mga bayan ay nagdiriwang kapag sumapit ang kanilang masaya, makulay at makahulugang kapistahan.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Binibigyang-buhay ng mamamayan ang tradisyong kaugnay ng kapistahan.

Noong Setyembre 29, masaya at makulay na ipinagdiwang ng Jalajala ang kapistahan ng kanilang patron saint na si San Miguel Arkanghel. Tampok na bahagi sa pagdiriwang ang fluvial procession o pagoda sa Laguna de Bay sa bahaging sakop ng Jalajala. Sinundan ito ng “D’ Laylay Festival” o street dancing na nilahukan ng kabataan mula sa iba’t ibang barangay. Ang pagdiriwang ay bahagi ng pasasalamat ng mamamayan sa mga biyayang natanggap mula sa Poong Maykapal, sa patnubay ni San Miguel Arkanghel.

At nitong Oktubre 6-7, nagdiwang naman ng magkasabay na kapistahan ang Cardona at ang Mahal na Birhen ng Sto. Rosario, na patron ng nasabing bayan.

Naging tampok na bahagi noong bisperas ng kapistahan, Oktubre 6, ang masaya at makulay na “Sapao-an Festival” o street dancing, at ang fluvial procession o pagoda sa Laguna de Bay na bahaging sakop ng Cardona. Sa pagdiriwang ng kapistahan at pagbibigay-buhay at pagpapahalaga sa tradisyon, nakikita ang community spirit o pagkakaisa ng mamamayan.

Ngayong Oktubre, gagawin naman sa Binangonan ang Octoberfest 2017. Ang pamahalaang bayan, sa pangunguna ni Binangonan Mayor Cesar Ynares, at ang Tanggapan ng Turismo ay may inihandang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ng Binangonan at ng patroness nitong si Sta. Ursula, sa Oktubre 21.

Ang Oktoberfest sa Binangonan ay ihuhudyat ng Sayawit o ng timpalak sa sayaw at awit ng kababaihan ng Binangonan.

Sisimulan sa Oktubre 18, ito ay gaganapin sa Casimiro Ynares, Sr. auditorium sa Binangonan.

Nakatakdang maging panauhin sa Sayawit si Gng. Margie Duavit, ang butihing maybahay ni 1st District Rep. Michael Jack Duavit. Ang Sayawit ay nasa pamamahala ng Barkadahan ng Kababaihan sa Binangonan, sa pangunguna ni Dra. Rose Callanta Ynares, ang mabait, masipag at butihing maybahay ni Mayor Cesar.

Bahagi rin ng Octoberfest 2017 sa Binangonan ang masaya at makulay na street dancing festival. Lalahukan ito ng mga mag-aaral sa public elementary at secondary schools sa Oktubre 20. Magsisimula ang street dancing festival sa Ynares Plasa sa bayan at matatapos sa municipal plaza ng Binangonan, na susundan ng isang maikling programa.

Sa ika-21 Oktubre naman ipagdiriwang ng kapistahan ni Sta. Ursula, tampok ang concelebrated mass sa makasaysayang simbahan ng Binangonan, na dambana ni Sta. Ursula. Kasunod ng misa ang fluvial procession o pagoda sa Laguina de Bay sa Binangonan.

Ang fluvial procession ay lalahukan ng mga mangingisda, magsasaka, kabataan, propesyonal at iba pang may panata at debosyon kay Sta. Ursula. Matapos ang fluvial procession ay ang masayang parada paahon sa bayan, kasama ang mga sumama sa fluvial procession at ang iba’t ibang pangkat ng kababaihan.

Matatapos ang parada sa harap ng simbahan na ang pangwakas na bahagi ay ang pagsasayaw ng mga sumama sa parada at fluvial procession, at ng mga deboto ni Sta. Ursula. Ang pagsasayaw sa harap ng simbahan ay bahagi ng panata at pasasalamat ng mga taga-Binangonan at ng mga deboto ni Sta. Ursula.

Ang Binangonan, ayon sa kasaysayan, ay kilala sa tawag na Visita de Morong at naging isang malayang parokya noong 1621. Ganap itong naging bayan noong 1737. Ang pangalan ng Binangonan ay pinaniniwalang nagmula sa “bumangong mga kaluluwa” ng magkasintahang Rodrigo, na isang sundalong Kastila, at Prinsesa Mayumi

Ang simbahan ng Binangonan ay sinimulang itinayo noong 1792 ng mga paring Franciscano at natapos noong 1800. Ang pamamahala sa simbahan ay inilipat ng mga paring Franciscano sa mga paring Heswita, ngunit ibinalik sa mga Franciscano noong 1797.

Naging isang munisipalidad naman ang Binangonan noong Marso 29, 1901. At nang matatag ang Rizal noong Hunyo 11, 1901, naging isa sa mga bayan nito ang Binangonan—ang pinakamalaki sa lalawigan. May 40 barangay ang Binangonan, na ang 19 ay nasa Talim Island.

Sa Binangonan isinilang sina dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. at dating Congressman Bibit Duavit, na magkatulong sa pagpapaunlad sa lalawigan.