Ni: Mary Ann Santiago
Hindi na humihinga at tadtad ng saksak sa katawan nang matagpuan ang isang babae sa loob ng isang apartelle sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Joan Echipare, 29, habang inaalam na ng awtoridad kung sino ang nasa likod ng pagpatay.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nadiskubre ng roomboy, na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang bangkay ng biktima sa loob ng isa sa mga kuwarto ng ‘di pinangalanang apartelle na matatagpuan sa Bautista Street sa Quiapo, bandang 7:30 ng umaga.
Una rito, nag-check in sa apartelle ang biktima kasama ang isang lalaki, bandang 8:00 ng gabi kamakalawa.
Kinabukasan, kinatok umano ng roomboy ang pinto ng kuwartong tinuluyan ng biktima upang paalalahanan sa oras ng kanilang pag-check out, ngunit walang sumasagot kaya nagdesisyon itong buksan ang pinto.
Dito na bumulaga ang bangkay ng biktima habang wala sa silid ang lalaking kasama nito.
“Walang unusual na pangyayari e, maski ‘yung mga kalapit na kuwarto walang narinig, medyo malambot pa ‘yung katawan posibleng madaling araw ito pinatay,” ayon sa imbestigador.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.