Ni: Bella Gamotea
Sugatan ang isang call center agent makaraang kaladkarin ng riding-in-tandem na humablot sa kanyang bag sa Pasay City, nitong Lunes ng gabi.
Nanlulumong nagtungo sa tanggapan ng Pasay City Police ang biktimang nagpatago sa pangalang “Abby”, 26, ng Pasay City, na nagtamo ng sugat at galos sa kanang braso at kaliwang tuhod.
Sa salaysay ni Abby sa pulisya, papasok na siya sa trabaho at naghihintay ng taxi sa Buendia Avenue nang dumaan sa kanyang harapan ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na walang suot na helmet at sakay sa motorsiklong hindi naplakahan, dakong 9:00 ng gabi.
Mabilis na hinablot ng isa sa mga suspek ang bag na nakahigpit sa kamay ng dalaga dahilan upang makaladkad ang biktima ng ilang metro at sumemplang ang mga salarin.
Agad na tumayo ang mga suspek at tumakas sa hindi batid na direksiyon sa pagkabigong matangay ang bag ng dalaga na naglalaman ng cell phone, P16,000 cash at ilang personal na gamit.
Walang closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar kaya hirap ang awtoridad na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.