August 25, 2026

Home BALITA

PBBM sa MOA ng St. Luke’s, PhilHealth: Hindi lang may kaya makakapunta ng private hospitals

PBBM sa MOA ng St. Luke’s, PhilHealth: Hindi lang may kaya makakapunta ng private hospitals
Photo courtesy: RTVM/YT


Ibinalita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na isinasaklaw na nila sa mga programa ng pamahalaan, hinggil sa serbisyong pangkalusugan, ang mga pampribadong ospital.

Kaugnay ito sa katatapos lamang na paglagda ng St. Luke’s Medical Center (SLMC) – Global City at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City nitong Martes, Agosto 25.

Sa media statement na ibinahagi ni PBBM nitong ring Martes, idiniin niyang hindi na matatakot ang mga Pilipino na pumunta sa mga pampribadong ospital dahil lamang wala silang pambayad.

“Nandito tayo ngayon sa St. Luke’s at kakatapos lang ang pirmahan doon sa Memorandum of Agreement between PhilHealth at saka sa St. Luke’s. At ito ay sa pamamagitan ng MOA na ‘yan ay ini-involve na natin, sinasama na natin ang mga private hospital sa ating mga programa para tulungan ng mga iba’t ibang pasyente,” saad ni PBBM.

Aniya, “Kaya kahit na ‘yong dati na—’yong hindi nakakapunta sa private hospital kagaya ng St. Luke’s ay matutulungan na makapunta rito at bibigyan natin ng suporta na galing—’yong kagaya ng dati sa PhilHealth, sa [Department of Health] DOH, at sa… kung minsan kahit sa Office of the President (OP).”

“Pero ito ay para hindi na matatakot ang mga nagkakasakit na pumunta sa private hospital dahil wala silang pambayad. Ito’y napakalaking bagay at simula lang siguro ito. St. Luke’s ang—nag-umpisa tayo sa St. Luke’s at paparamihin pa natin ‘yan para lahat na talaga ng ating mga facilities, healthcare facilities ay kasama na sa mga programa natin,” giit pa niya.

Anang Pangulo, bahagi ito ng kanilang mga panibagong aksyon upang aniya’y palawakin ang suporta para sa pagpapatibay at pagpapaganda ng healthcare system sa bansa.

“Para kahit na hindi lang ‘yong mga may kaya ang makakapunta sa ating mga private hospital para makakuha sila nung specialized na healthcare na kung minsan ay kinakailangan nila ngunit wala silang pambayad kaya hindi sila lumalapit at hindi sila nagpapatingin sa ating mga private hospital,” anang Pangulo.

“Ito ‘yong mga bago natin ginagawa para palawakin pa rin, palawakin ang suporta na ibinibigay natin sa ating mga pasyente para patibayin, pagandahin ang ating healthcare system para mas marami tayong matulungan at matamo na rin natin, maabot na rin natin ‘yong ating pinapangarap na universal healthcare,” pagtatapos ni PBBM.

Ilan lamang sa mga dumalo sa nasabing MOA signing ay sina PBBM, DOH Sec. Dr. Edwin Mercado, PhilHealth President at Chief Executive Officer (CEO) Dr. Beverly Lorraine C. Ho, at SLMC President at CEO Dr. Dennis Serrano.


Probinsya

29 estudyante sa Davao del Norte, hinihinalang na-‘food poison!’