Isinugod sa ospital ang 29 na estudyante mula sa Tulalian National High School, Santo Tomas, Davao del Norte matapos silang makitaan umano ng mga sintomas ng food poisoning noong Lunes, Agosto 24.
Batay sa pahayag ng Santo Tomas Municipal Health Office (MHO), ilan sa mga sintomas na naranasan ng mga estudyante ay ang pananakit ng tiyan, nausea o pagduduwal, pagsusuka, at pagkahilo.
Sa pakikipagtulungan ng MHO sa New Katipunan, Balagunan, Bobongon, at Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO), agad na nadala ang mga estudyante sa Rural Health Unit ng Santo Tomas para maibigay ang medikal nilang pangangailangan.
Saad pa ng MHO, sa naagapan nilang 29 na estudyante, 18 sa mga ito ang na-refer sa Davao del Norte Hospital Carmen Zone (DDNH-CZ); apat ang na-refer sa Davao Regional Medical Center (DRMC); isa ang nailipat sa isang pribadong ospital alinsunod sa kahilingan ng mga magulang ng estudyanteng ito; at anim ang naideklara nang “clinically cleared” dahil sa kawalan nila ng anumang sintomas o senyales ng food poisoning.
Samantala, tiniyak naman ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Santo Tomas local government unit (LGU) na sasagutin na nila ang mga gastusin sa ospital ng mga estudyante sa pamamagitan ng zero billing.
Tiniyak din ng MHO na naipadala na sa Tulalian National High School ang Municipal Epidemiology and Surveillance Unit (MESU) Team upang magsagawa ng inspeksyon sa school canteen at mga nakapaligid na food vendors.
Parte ng imbestigasyon ang pangongolekta ng food samples para matiyak ang saktong pinagmulan ng insidente.
Hinihikayat naman ng MHO ang publiko na iwasang magbahagi ng mga hindi beripikadong ulat o detalye sa social media hinggil sa insidente upang maiwasan ang pagkabalisa ng mga makakabasa.
“The Municipal Health Office remains fully committed to safeguarding the health and safety of our students and the broader community,” saad ng MHO.
“Official updates will be released as soon as laboratory results and further investigation reports become available,” dagdag pa nila.