Ni JOSEPH JUBELAG

POLOMOLOK, South Cotabato – Patay ang isang deputy police chief at dalawang iba pa, habang lima naman ang nasugatan, makaraan silang paulanan ng bala ng mga hindi nakilalang armado sa isang restaurant sa Polomolok, South Cotabato, nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-11, kumakain sina Senior Insp. German Gabat, deputy police chief ng Polomolok Police; at Rio Salig sa isang lechon house sa gilid ng national highway sa Barangay Magsaysay sa Polomolok, nang pagbabarilin sila ng dalawang hindi nakilalang suspek, na ang isa ay armado ng M-16 rifle.

Kaagad na nasawi sina Gabat at Salig, habang namatay din sa mga tinamong ligaw na bala ang isa pang kustomer sa restaurant, ang bomberong si FO3 Karl Flomillio.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nasugatan din sa ligaw na bala ang limang kasamahan ni Flomilla na sina Edgar Luzon, Riza Diamante, Jade Silva, Relyn Pitogo, at Rizaldy Bellacura.

Ayon sa mga saksi, kadarating lang sa establisimyento nina Gabat at Salig nang pumasok kasunod nila ang mga suspek na sakay sa motorsiklo, at pagbabarilin ang dalawa, bago tumakas.

Naniniwala naman si Chief Insp. Aldrin Gonzales, hepe ng Polomolok Police, na posibleng may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang kay Gabat—na nanguna sa ilang anti-drug operations sa lugar.