Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Itinanggi ni Senador Antonio Trillanes IV ang alegasyon ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na kumita siya nang malaki sa backchannel talks sa China sa panahon ng administrasyong Aquino.

“As for the Scarborough Shoal issue, binasura na ng Ombudsman ang kaso na yan na base lamang sa conspiracy theory ni (dating Senate President Juan Ponce) Enrile,” saad sa pahayag ni Trillanes nitong Biyernes ng gabi matapos ang mga akusasyon ni Duterte sa panayam ng PTV-4.

Sinabi ng Pangulo na nalikom ni Trillanes ang kanyang undeclared wealth mula sa mga biyahe niya sa China noong 2012.

Sigaw ni Sen. Risa: 'Mananagot ka, Apollo Quiboloy!'

Pinili ni noo’y Pangulong Benigno Aquino III si Trillanes bilang kanyang backdoor negotiator sa mga opisyal ng China sa gitna ng mainit na iringan sa teritoryo sa West Philippine Sea.

“Yung mga dummy na ‘yan o nagbigay sa kanya ng pera or otherwise ‘yung kinita niya sa China when he was going back or forth eight or nine times sa China, tapos ‘yun ‘yung nag-accumulate yung mga pera niya. That was the time we lost the Scarborough Shoal,” giit ni Duterte.

Nauna rito, inakusahan ni Enrile si Trillanes ng pagpabor sa China, batay sa notes ni noo’y Philippine Ambassador to China Sonia Brady. Nagresulta ito sa kasong treason at espionage laban kay Trillanes at treason naman kay Aquino, na ibinasura ng Office of the Ombudsman, noong Hunyo.

Sinabi ni Trillanes na iniiba ni Duterte ang isyu para matabunan ang mga akusasyon na ibinabato laban sa Pangulo at sa pamilya nito.

Sinabi ni Duterte noong nakaraang linggo na si Trillanes ay mayroong offshore accounts at diumano’y kumuha ng 200 consultants, na nagtulak sa huli na maglagda ng 12 bank waiver para pahintulutan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na mag-imbestiga.

“Duterte just keeps on burying himself in lies. As I keep on stressing, AMLC has the power to access foreign accounts either held singly or jointly. That’s why I signed those waivers unconditionally,” anang Trillanes, inulit ang hamon sa Pangulo na pumirma rin ng mga waiver sa bangko.

Ibinunyag ni Duteterte na mayroong “Chinese co-partner” si Trillanes sa bawat offshore bank account kaya’t balewala rin ang mga ibinigay nitong bank secrecy waivers.

“So even if he waives everything there, ‘yung co-partner niyang mga Chinese for every bank, ‘pag hindi maglagay ng waiver, then you cannot open the account,” anang Duterte.

Ayon sa Pangulo, mayroong currency accounts si Trillanes sa Shanghai, Zurich, Geneva, Singapore at British Virgin Islands.

“Balances of these accounts are below 700, whereby most of the accounts are within the USD 100,000 to 300,000 range to avoid detection in terms of large amounts of money,” pambubuking ni Duterte.

Sinabi rin niya na kahit na ang bank documents sa Zurich at Singapore ay nakapangalan sa isang “Antonio F. Trillanes”, at walang suffix, nakumpirma sa petsa ng kapanganakan na ang Senador ang nagmamay-ari ng mga account na ito.