Ni: Jun Fabon

Nang dahil sa away sa alagang aso, isang ginang ang nagmistulang azucena matapos pagtulungang tagain ng kanyang mga kapitbahay na sumugod pa sa loob ng kanyang tindahan sa Quezon City, iniulat kahapon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Kinilala ang biktima na si Jovy Evelyn Candelaria, 47, may-ari ng sari-sari store at residente ng No. 31 Upper Lanzones Street, Barangay Payatas Area B.

Nakilala naman ang dalawa sa apat na suspek sa mga pangalang Marcelo at Rey, kapwa kapitbahay ng biktima, habang ang mga kasamahan ng mga ito ay tinutugis pa ng pulisya.

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

Base sa salaysay ng saksi, dakong 7:30 ng gabi nang narinig niya ang pagsigaw ng saklolo ni Candelaria at nang lumabas siya ng bahay ay nakita niya ang mga suspek na armado ng itak at patalim at pilit na pinapasok ang tindahan ng biktima.

Sinubukan pa umano ng testigo na awatin ang mga suspek pero nang malamang lasing ang mga ito ay dumiretso na lang siya sa barangay hall upang magsumbong.

Sa pagresponde ng mga opisyal ng barangay, nakita nila si Candelaria na nasa loob ng banyo, naliligo sa sariling dugo, at wala nang buhay.

Nauna rito, nagsumbong si Candelaria sa barangay upang ireklamo ang pagbabanta nina Rey at Marcelo na kakatayin ang mga alagang aso ng biktima.