3fcvba copy

Ni Rey Lachica

KUALA LUMPUR, Malaysia – Maging sa seniors basketball, walang katapat ang Team Philippines.

Winalis ng Pinoy cagers na kinatawan ng Filipino-Chinese Veterans Basketball Association (FCVBA) ang tatlong division sa 26th ASEAN Veterans Basketball Tournament kahapon sa MABA gym dito.

Putol na ang sumpa! UST tinapos na ang 9 taon losing streak sa Ateneo

Pinagharian ng FCBVA cagers ang 65s, 60s at 50s class title para patibayin ang katayuan ng Pinoy sa basketball sa rehiyon.

Kamakailan, winalis din ng Gilas Pilipinas, sa pangunguna nina Kobe Paras. Bobby Parks, Jr at Fil-German Christian Standhardinger ang basketball event sa 29th Southeast Asian Games dito.

“This year is very memorable for FCVBA, we hope we can sustain our dominance in the league,” pahayag ni Ironcon Builders owner at FCVBA president Jimi Lim, nahalal din bilang deputy president ng asosasyon.

Napanatili ng koponan ang 65s class title nang pabagsakin ang Hatyai of Thailand, 64-31, mula sa impresibong opensa nina Achit Kaw, Johnny Chua, Antonio Go, Zotico Tan, Sunny Co at William Lao.

Hataw si Kaw sa naiskor na 14 puntos, habang kumana sina Chua at Tan ng pinagsamang 18 puntos.

Nanguna naman sina dating PBA players Aris Franco, Elmer Reyes, Kenneth Yap at Andrew Ongteco sa 67-39 dominasyon sa Pontianak of Indonesia para sa 60s division title.

“It was a nice win since everybody contributed to our title win” pahayag ni coach Edster Sy, nangansiwa rin sa 65s.

Nag-ambag din sina Conrad Siy, Danny Ching, Danny Co, Jose Lao at James Chua.

Nakumpleto ng 60s ang ‘three-peat’ tulad ng 50s sa taunang torneo na naglalayong patatagin ang ugnayan ng mga bansa sa rehiyon at patibayin ang pagkakaibigan.

Tulad ng dalawang koponan, masigasig din ang 50s at kinumpleto ang dominasyon sa 89-58 panalo kontra Kuching ng Malaysia.

Nanguna si PBA legend Allan Caidic sa naiskor na 20 puntos.

Kumana rin ang mga dating pro na sina Benet Palad, Gerry Tee, Joey Sta. Maria, Jerry Gonzalez at Bong Tan.