MEXICO CITY (Reuters, AFP) – Isang magnitude 8.2 na lindol ang tumama sa katimugan ng Mexico nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng U.S. Geological Survey (USGS), niyanig ang mga gusali sa sentro at katimugan ng bansa, dahilan para magtakbuhan sa kalye ang mga tao sa kabisera.
Sa inisyal na ulat, lima na ang kumpirmadong patay.
Sinabi ng civil protection agency ng Mexico na ito ang pinakamalakas na lindol na tumama sa bansa simula nang mapinsalang lindol noong 1985 na nagpaguho sa mga gusali at pumatay ng libu-libong katao.
"It was a major earthquake in scale and magnitude, the strongest in the past 100 years," sinabi ni President Enrique Pena Nieto.
Nagtakbuhan sa kalye ang mga residente ng Mexico City na nakasuot pa ng mga damit pantulog at tumunog ang mga alarma ilang sandali bago ang hatinggabi. Nawalan ng kuryente ang ilang pamayanan.
“I had never been anywhere where the earth moved so much. At first I laughed, but when the lights went out I didn’t know what to do. I nearly fell over,” sabi ni Luis Carlos Briceno, architect, 31, na bumibisita sa Mexico City.
Ang sentro ng pagyanig ay nasa 123 kilometro sa timog kanluran ng bayan ng Pijijiapan, sa estado ng Chiapas, sa lalim na 33 km.