Nakatakdang bumisita sa bansa ang aktres na gumanap bilang “Linda Walker” mula sa viral micro-drama, “The Genius Real Heiress” o “The Heiress Who Won With Brains,” na napapanood sa iba’t ibang social media platforms.
Batay sa anunsyo ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) noong Miyerkules, Mayo 27, bibisita ang Chinese actress na si Zhang Yingfei sa bansa mula Hunyo 8 hanggang 11 bilang pagsuporta sa adbokasiyang “Education for a Better Future.”
Saad pa ng grupo, magkakaroon ng courtesy call si Zhang kay Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso sa Hunyo 8, na susundan ng tour sa Intramuros at Binondo.
Sa Hunyo 9 naman, sasama si Zhang sa outreach program ng FFCCCII sa Quezon City High School, kasama rin dito si Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara, China Ambassador Jing Quan, Quezon City Mayor Joy Belmonte, at FFCCCII President Victor Lim.
Matatandaang nag-viral ang karakter na si Linda Walker noong unang bahagi ng 2026 dahil sa pagiging “academic weapon” bagama’t lumaki siyang mahirap.
Dahil sa pagiging palaban, siya ang naging “academic inspiration” ng maraming netizens at bawat posts, memes, at skits na “Linda-inspired” ay pumapalo ng libo-libong engagement sa social media.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Sino si ‘Linda Walker’ at bakit trending siya?