Ni: Rizaldy Comanda

BAGUIO CITY - “Walang foul play, walang koneksiyon sa robbery, lalo na sa illegal drugs, pero tuloy pa rin ang imbestigasyon hanggang wala pang matibay na resulta sa pagkamatay ng biktima.”

Ito ang pahayag kahapon ni Senior Supt. Ramil Saculles, director ng Baguio City Police Office.

Matatandaang natagpuan dakong 10:00 ng umaga nitong Huwebes ang naaagnas na bangkay ng halos anim na araw nang nawawala na si Vaughn Carl Dicang, 17, Grade 12 student sa University of Baguio Science High School, habang nakalutang sa creek ng circumferential road sa tabing-ilog ng Balacbac Bridge sa Baguio City.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Bagamat nasa state of decomposition na ang biktima ay positibo siyang kinilala ng kanyang pinsan na si Wilner Dicang.

Ang biktima ay nakakabatang kapatid ni Van Dicang, chairman ng Barangay Lower Quirino Hill.

Setyembre 1 nang umalis ng bahay ang binatilyo pero hindi na ito nakauwi kaya iniulat ng pamilya ang kanyang pagkawala at kumalat ito sa social media.

Ayon kay Saculles, walang motibong robbery, dahil intact ang mga gamit ng binatilyo na nakita sa lugar, at higit sa lahat ay walang kinalaman ang droga sa pagkamatay nito.

Dagdag ni Saculles, pinuntahan ng binatilyo ang isang kaibigan at pag-uwi nito kinahapunan ay posibleng aksidenteng nahulog ito sa creek.