Ni: Fer Taboy
Dalawa ang nasawi at isa ang sugatan nang magbarilan ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos umanong magkapikunan habang nagba-basketball sa Pikit, North Cotabato.
Kinilala ang mga biktimang sina Esmail Ali at Mama Elle Ulayan, habang ang sugatan naman ay si Tots Jammel, pawang tauhan ng MILF.
Itinurong suspek naman ang mga kasamahan nilang sina Esko Macabuat at Esmail Tual.
Sinabi ni Chief Insp. Romy Castanerez, hepe ng Pikit Municipal Police, naglalaro ng basketball ang mga biktima at mga suspek, na kapwa tauhan ni Kumander Nayang, nang nagkainitan hanggang sa magkabarilan.