Ni: Bella Gamotea
Kalaboso ang isang binata sa umano’y panghahalay sa kanyang katrabaho sa Pasay City kamakalawa.
Kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Police si Davin Pascua y Calumba, 27, casino dealer, ng No. 2184 17 De Marso, Barangay Baclaran, Parañaque City matapos ireklamo ni “Jenny”, 24, casino dealer.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), nadiskubre ni April Jovellano, katrabaho ng biktima at ng suspek, ang pang-aabuso sa loob ng nirerentahan nilang kuwarto sa Malibay, Pasay City, dakong 5:50 ng madaling araw.
Una rito, nag-inuman ang ilang empleyado ng casino hotel sa apartment ng suspek, kabilang ang biktima, nitong Linggo ng gabi.
Pagsapit ng 2:00 ng madaling araw nitong Lunes, Setyembre 4, inihatid ni Pascua si Jenny sa inuupahan nitong kuwarto sa Pasay City.
Nabigla umano si Jovellano, umuwi galing trabaho, nang maabutang nakahubad ang suspek at nakapatong sa walang malay na roommate.
Agad humingi ng tulong si Jovellano sa mga kapitbahay at sa barangay at tuluyang naaresto ang suspek.