Ni MARIVIC AWITAN

SA pagkawala ng kanyang dating ka-tandem at sentro ng koponan ng University of Perpetual na si Bright Akhuettie, lumutang ang natatanging talento at kapasidad ni Prince Eze bilang isang manlalaro.

Katunayan, mismong ang kanyang naging coach para sa nakaraang NCAA All Star champion Saints na si Boyet Fernandez ay nagsabing napakalaki ng iniangat ng laro ni Eze.

Kaya naman, hindi kataka-taka kung bakit siya ang nahirang na Season 93 All-Star MVP.

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

At sa pagtatapos ng unang round ng NCAA Season 93 basketball tournament, lumabas sa statistics na namumuno sa MVP race ang 6-foot-11 Nigerian center.

Pagkaraan ng siyam na laban, nakapagtala si Eze ng kabuuang 52.44 players all around value points.

Nanguna rin si Eze sa rebounding at blocking at nagposte ng average na 17.2 rpg at 2.2 bpg.

Pumangalawa sa kanya and Lyceum of the Philippines foreign player na si Mike Nzeusseu, na may 48.67 PAV, habang pumangatlo naman ang kakampi nitong si CJ Perez, at pang-apat si San Beda forward Javee Mocon na kapwa may 47.56 PAV.

Nasa ikalimang puwesto naman ang second league leading best blocker (1.8) na si Sidney Onwubere, ng Emilio Aguinaldo College sa 47.11 PAV.

Kabilang naman sa kabuuan ng top 10 sina San Beda guard at league assist leader (4.6) Robert Bolick na may 46.11 PAV, Letran top gun at league third best scorer Rey Nambatac (45.44 PAV), Mapua center at second best rebounder Christian Butñag (41.78 PAV), Lyceum rookie guard Jaycee Marcelino (40.11 PAV), Lyceum skipper MJ Sy, at Jose Rizal University slotman Abdulrazak Abdulwahab, na kapwa may 39.67 PAV.

Samantala sa juniors division, nangunguna naman ang last year’s top rookie na si Aaron Feeling ng Arellano, na may 60.89 PAV.