NI: Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Ynares Sports Center)

4:15 n.h. -- TNT vs Globalport

Marcio Lassiter PBA record holder na; Beermen itinumba ang Ginebra

7:00 n.g. -- Kia s Blackwater

MAKAMIT ang solong ikatlong puwesto ang tatangkain ng TNT Katropa sa pakikipagtuos sa Globalport sa unang laro ngayon ng nakatakdang double header ng 2017 PBA Governors Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Kasalukuyang nasa three-way tie sa ikatlong posisyon ang Katropa taglay ang barahang 4-2, kasalo ng Rain or Shine at NLEX.

Huli nilang tinalo nitong Miyerkules ng gabi sa Mall of Asia Arena ang koponan ng Blackwater, 117-96.

Sa kabilang dako, magkukumahog namang bumangon ang Globalport mula sa huling kabiguan na kanilang natamo sa kamay ng San Miguel Beer, 112-115, na nagbaba sa kanila sa ika-6 na posisyon hawak ang markang 2-3.

Samantala, sa tampok na laban magsisikap namang makabalik sa win column ang Blackwater matapos putulin ng Katropa ang naitalang tatlong sunod na panalo na nagbaba sa kanila sa barahang 3-4.

Sa kabilang dako, magtatangka naman ang Kia na makamit ang mailap na unang panalo matapos ang nalasap na unang pitong pagkabigo.

Huling tumiklop ang Picanto sa kamay ng Batang Pier noong Agosto 20, 102-90.