April 16, 2026

Home BALITA

45% ng PUV sa Ilocos Region, tigil-operasyon na dahil sa presyo ng diesel!

45% ng PUV sa Ilocos Region, tigil-operasyon na dahil sa presyo ng diesel!
Photo courtesy: via GMA Regional TV

Huminto na sa pagbiyahe ang mahigit 45% ng mga pampublikong sasakyan sa Region 1 matapos ang limang sunod-sunod na linggo ng pagtaas ng presyo ng langis, na nagtulak sa diesel na umabot hanggang ₱154 kada litro.

Batay sa monitoring noong Abril 7, 2026, nasa pagitan ng ₱149 hanggang ₱154 kada litro ang bentahan ng diesel sa ilang gasolinahan sa rehiyon, kung saan halos umabot na sa ₱100 ang kabuuang itinaas nito sa mga nakaraang linggo.

Pinakamalubha ang naging epekto nito sa sektor ng transportasyon. Ayon sa datos ng Land Transportation Office (LTO) sa Region 1, higit 45% ng mga jeepney at bus ang hindi na bumibiyahe dahil sa mataas na gastos sa krudo.

“Regionwide mayroon nang 45% na mga sasakyan pampubliko na hindi na bumibiyahe kasi sa totoo lang talo sila sa gastusin,” pahayag ni LTO-1 Director Glorioso Daniel Martinez.

Bilang tugon, naglunsad ang LTO ng libreng sakay sa piling ruta, kabilang ang mga biyaheng papuntang La Union. Inaasahan ding madaragdagan pa ang mga rutang ito, gaya ng Carmen hanggang Dagupan City, sa susunod na linggo.

National

PNP, nakahanda sa posibleng pagbabalik-bansa ni Zaldy Co

“Araw-araw ito hangga’t kaya ng ating logistics, so sana tangkilikin ng ating mga kababayan ang libreng sakay,” dagdag ni Martinez.

Ayon pa sa LTO, nakatakda silang makipagpulong sa mga lokal na pamahalaan upang talakayin ang pangmatagalang solusyon sa kakulangan ng pampublikong sasakyan at mabawasan ang epekto nito sa mga pasahero.

Matatandaang nagpapatuloy ang pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo matapos ang pagsiklab ng sigalot sa pagitan ng Iran at pinagsanib na pwersa ng United States at Israel.

Noong Martes, Abril 7, matapos ang mahigit isang buwang palitan ng mga atake, inihayag ng nasabing mga bansa ang tigil-putukan na tinatayang tatagal sa loob ng dalawang linggo. 

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Bakit inatake ng US at Israel ang Iran na nagdulot ng tensyon sa Middle East?

Bunsod nito, tuluyan na muling nabuksan ang Strait of Hormuz na pangunahing ruta para sa pandaigdigang kalakalan ng mga krudo at langis.

MAKI-BALITA: ALAMIN: Bakit mahalaga ang ‘Strait of Hormuz’ sa bentahan ng langis ng mga bansa?