Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na aabot na sa 4,611 na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at dependents ang ligtas nang nakabalik sa Pilipinas.
Sa ulat na ibinahagi ng DMW nitong Miyerkules, Abril 8, binigyang-diin ng ahensya ang patuloy na pagsaklolo sa mga Pilipinong apektado ng girian at tensyon ng mga bansa sa Middle East.
Kabilang sa mga tulong na ipinaaabot nila ay onsite support, repatriation, at reintegration.
Kasama rin dito ang “assistance on the ground” na mga tulong kagaya na lamang ng pamimigay ng pagkain, basic necessities, at probisyon ng pansamantalang panunuluyan.
“Through its Migrant Workers Offices and Philippine embassies, the DMW continues to monitor developments closely to ensure the safety and welfare of OFWs, including Filipino seafarers navigating key waterways such as the Persian Gulf, Strait of Hormuz, and Gulf of Oman,” anang ahensya sa isang pahayag.
Anang DMW, nakikipag-ugnayan na rin daw sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang makabuo ng ilang alternative labor markets para sa mga napauwing Pilipino.