April 11, 2026

Home SPORTS

Dating PBA player na sapilitang nanghalik ng babae sa bar, himas-rehas!

Dating PBA player na sapilitang nanghalik ng babae sa bar, himas-rehas!

Inaresto ng pulisya ang dating professional basketball player na si Mark Cardona noong Sabado, Marso 28, 2026, matapos masangkot sa umano’y insidente ng harassment sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.

Batay sa police report, inireklamo ng isang 21-anyos na babae ang 44-anyos na si Cardona matapos umano siyang biglang hawakan sa kamay at halikan nang walang pahintulot.

“Suddenly grabbed her hand and kissed her without consent,” ayon sa ulat.

Dagdag pa sa reklamo, naging agresibo umano ang suspek matapos komprontahin ng nobyo ng biktima.

“However, the suspect became aggressive, pushed her boyfriend, and challenged him to a fight. They then approached a bouncer to report the incident, but the suspect continued to act aggressively and even poked the boyfriend’s eyes,” nakasaad pa sa naturang police report.

Manny Pacquiao, nag-ceremonial first pitch sa gitgitan ng Yankees at Athletics

Ayon pa sa pulisya, may ilan pang kababaihan ang lumapit sa complainant at nagsabing nakaranas din umano sila ng kahalintulad na insidente mula kay Cardona.

Tinulungan ng mga security personnel ng establisimyento ang biktima at ang kaniyang kasintahan na makarating sa himpilan ng pulisya upang magsampa ng reklamo.

Kinumpirma ni Police Captain Melvin Garcia na isinailalim si Cardona sa inquest proceedings at inaasahang mahaharap sa kasong acts of lasciviousness at physical injury.

Nakilala si Cardona bilang isa sa mga kilalang scorer noong kaniyang panahon sa PBA kung saan naglaro siya para sa Talk 'N Text Tropang Texters at Meralco Bolts.

Matatandaang naging bahagi rin siya ng national team pool at kinilala sa kaniyang husay sa opensa noong kalagitnaan ng 2000s.

 Ang huli niyang stint sa PBA ay noong 2016 bago tuluyang nawala sa professional basketball scene.