Ni: Mary Ann Santiago

Sugatan ang dalawang pahinante ng truck nang masangkot sa karambola ng limang sasakyan sa Nagtahan Bridge sa Pandacan, Maynila kahapon.

Patuloy na ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center sina Randy Limbiado at Gary Galido, kapwa nasa hustong gulang, at pahinante ng asul na truck na ‘di naplakahan.

Nagtamo ng mga gasgas sa katawan si Galido, habang si Limbiado ay may sugat sa ulo, braso at binti.

Balut Island, niyanig ng magnitude 5.2 na lindol

Ayon kay Michael Bernardo, ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), naganap ang insidente sa southbound lane ng Nagtahan bridge, kanto ng Jesus Street sa Pandacan, bandang 6:30 ng umaga.

Nawalan umano ng preno ang truck na sinasakyan ng mga biktima, na minamaneho ni Allan Banticel, habang binabagtas ang southbound lane ng nasabing tulay.

Dahil dito, sumalpok ang truck ng mga biktima sa isa ring truck (ACO-3575), na bumangga naman sa dalawang taxi at isang puting kotse.

Iniimbestigahan na ng awtoridad ang insidente para sa isasampang kaso laban kay Banticel.