Ni: Orly L. Barcala

Habang isinusulat ang balitang ito, nasa kritikal na kondisyon ang isang helper makaraang pagsasaksakin ng kanyang kainuman na nagalit nang iwan nito sa inuman sa Valenzuela City kamakalawa.

Kasalukuyang nakaratay sa ospital si John Carlos Gagarin, 29, stay-in sa Oliveros Compound, Barangay Ugong ng nasabing lungsod, dahil sa mga saksak sa katawan.

Inaresto naman ng mga rumespondeng barangay tanod ang suspek na si Rommel Cordis, 48, katrabaho ng biktima.

Romualdez, kinondena tensyon sa Middle East; seguridad ng mga Pinoy, pinatututukan

Sa report ni PO3 Joel Modregalejo, ng Station Investigation Unit (SIU), nag-inuman sina Cordis at Gagarin sa kanilang barracks sa sa Chen Zang Enterprises sa Oliveros Compound, Bgy. Ugong, dakong 11:30 ng gabi.

Sandaling umalis at iniwan umano ni Gagarin sa inuman si Cordis na labis nitong ikinagalit.

Pagbalik, kinumpronta ng suspek ang biktima na nauwi sa mainitang diskusyon at suntukan.

Pumasok sa kuwarto si Cordis at kumuha ng kutsilyo at makailang beses sinaksak si Gagarin.

Nahaharap si Cordis sa kasong frustrated homicide.