Patay ang isang estibidor, na mahilig umanong magbiro, nang pagsasaksakin ng live-in partner ng sinasabing binastos nitong babae sa Binondo, Maynila kamakalawa.

Isinugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Jerry Delantas, 34, nanuluyan sa Plaza Paraiso sa Delpan, ngunit namatay dahil sa mga saksak sa katawan.

Nakatakas naman at pinaghahanap ng awtoridad ang suspek na kinilala sa alyas na Jonathan, na umano’y nanunuluyan din sa Plaza Paraiso.

Sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang pananaksak sa tapat ng Barangay 275 sa Delpan, bandang 11:45 ng tanghali.

Mga pulis na ‘di marunong gumamit ng baril, tatamaan kay Torre!

Una rito, lasing umano Delantas nang madaanan si Jonathan at ang live-in partner niyang si Nora, na noon ay kumakain sa isang karinderya sa lugar.

Pabiro umanong binati ng biktima ang suspek at sinabing, “Tirahin ko asawa mo!”

Hindi nagustuhan ni Jonathan ang sinabi ng biktima kaya sinita niya ito na nauwi sa kumprontasyon at suntukan.

Hindi nakuntento, bumunot ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima saka mabilis na tumakas. - Mary Ann Santiago