Nina FER TABOY, MARY ANN SANTIAGO, at ORLY L. BARCALA

Patay ang 25 katao sa anti-drug operation ng Philippine National Police (PNP) sa National Capital Region, kabilang ang anim sa Maynila.

Sa buy-bust sa Sta. Ana, Maynila bumulagta naman sina Meljohn Galman, Jessie Boy Yumang, Edmel Santiago, at Joey Santos.

Samantala, dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang napatay matapos umanong manlaban sa anti-drug operation ng awtoridad sa Tondo at Sampaloc.

Romualdez, kinondena tensyon sa Middle East; seguridad ng mga Pinoy, pinatututukan

Base sa ulat ng PNP, siyam na katao ang napatay sa Caloocan City.

Nalagutan ng hininga sa pagsabog ng granada si SPO1 Ramon Ang, dating miyembro ng Quezon City Police District (QCPD), at asawa niyang si Edna nang salakayin ng mga pulis ang kanilang bahay sa Bagong Silang, Caloocan City matapos makatanggap ng sumbong na may nagaganap doon na bentahan ng ilegal na droga.

Sa imbestigasyon ng Caloocan City Police District (CCPD), tinanggal sa serbisyo si Ang dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Namatay naman sa panlalaban sina Rj Espinosa, Ramil Cabalde, James Sesi, Jonathan Padua, Eric dela Cruz, isang alyas Amay at isang hindi pa nakikilalang suspek.

Apat naman ang napatay sa drug operation sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City. Kinilala ang mga ito na sina Conrado Gapasin, alyas Butchoy at alyas Pogi na pawang nanlaban sa pulisya.

Nirapido naman habang bumabatak si Danifel Palad.

Sa Valenzuela, limang suspek naman sa droga ang tumimbuwang.

Kinilala ang mga napatay na sina Fernado Centeno, Jr., Rowell Floresca, isang alyas Joel, Reynaldo Deoma, at Antonio Bautista.

Ibinulagta naman ng riding-in-tandem si Alvin Villamedes ng Longos, Malabon City.