Ni: Francis T. Wakefield
Iniulat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na gumastos na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa giyera sa Marawi City ng aabot sa P2.5-P3 bilyon.
Ipinahayag ito ni Lorenzana sa isang ambush interview sa National Defense College of the Philippines (NDCP) sa Camp Aguinaldo, Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.
Sinabi ni Lorenzana na ang Philippine Army pa lamang ay gumastos na ng umaabot sa P1.3 bilyon sa pakikipaglaban sa ISIS-inspired na Maute Group na lumusob sa Marawi City noong Mayo 23, 2017.
Ang giyera sa Marawi ay umabot na sa ika-80 araw. Nitong Huwebes ng gabi, nasa 552 terorista na ang napapatay sa labanan. Umabot naman sa 128 ang nasawi sa panig ng gobyerno.
“Kanina pinag-usapan namin ‘yan pero hindi pa namin nako-collate. Pero ‘yung Army I think they have already spent about, additional ano, actually nagamit nila ‘yung pera nila sa ibang bagay nila nilagay, mga P1.3 billion na. So, Army pa lang ‘yun,” ani Lorenzana.
“So, hindi pa kasama ‘yung Air Force, the Marines nandun din. So let’s say siguro mga roughly, mga nagagastos natin d’yan since the start is about P2.5 billion. P2.5 to P3 billion,” dagdag niya.
Sa naturang interbyu, sinabi ni Lorenzana na batay sa mga konsultasyon at pakikipag-usap niya sa mga commander ng Joint Task Force Marawi, aabutin pa ng isa hanggang dalawang buwan bago tuluyang malipol ang mga terorista sa siyudad.