Ni: Fer Taboy
Patay ang isang opisyal ng barangay makaraang pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek sa harap ng kanyang bahay sa Calatrava, Negros Occidental, nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon ng Calatrava Municipal Police, nakilala ang biktimang si Efraem Gubat, 71, lupon chairman ng Barangay Mina-utok.
Batay sa police report, nagpakilala umanong sundalo ng Philippine Army kay Gubat ang suspek bago ito pinagbabaril sa labas ng bahay.
Ayon pa sa pulisya, matutulog na si Gubat nang dumating ang suspek at humiram ng kutsilyo. Sa paglabas ng biktima sa bahay ay sinalubong ito ng suspek ng mga putok ng baril.
Namatay kaagad ang biktima at mabilis na tumakas ang suspek kasama ang tatlong tao na nagsilbing lookout sa krimen.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang kaso at inaalam pa ang motibo sa pagpatay.