Ni: Liezle Basa Iñigo

Isang Florida Bus ang nasunog matapos na masangkot sa aksidente ng motorsiklo at karitelang hila ng kalabaw sa national highway ng Barangay Gosi Sur, Tuguegarao City, Cagayan, na ikinamatay ng isang tao at ikinasugat ng ilang pasahero.

Sa panayam ng Balita kahapon kay Supt. Edward Guzman, hepe ng Tuguegarao City Police, sinabing nangyari ang aksidente bandang 5:00 ng umaga kahapon.

Namatay ang motorcycle rider na si Noriel Christian Parallag, 38, architect, at taga-Brgy. Bengu Ruyu, Tuguegarao, matapos itong sumalpok sa karitela ng kalabaw bago pumailalim sa bus ang motorsiklo.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nasawi si Parallag sa tinamong sugat sa karitela at sa pagkakatilapon.

Gayunman, nang sumalpok ang motorsiklo sa Florida Bus ay nagliyab ang huli, kaya naman kaagad na nagbabaan ang mahigit 20 pasahero nito.

Hindi matiyak ang bilang ng mga pasaherong nasugatan sa takbuhan.

Ayon kay Guzman, iniimbestigahan na ang bus driver na si Walter Paule, 44, ng Gattaran, Cagayan.