Ni JOSEPH JUBELAG
GENERAL SANTOS CITY – Binaril at napatay ng riding-in tandem ang Balita correspondent na kolumnista rin sa isang lokal na pahayagan habang sakay sa kanyang motorsiklo sa President Quirino, Sultan Kudarat, kahapon ng umaga.
Ayon sa police report, sakay sa kanyang motorsiklo si Leodoro P. Diaz, 60, reporter ng Balita at kolumnista ng lokal na pahayagang Sapol News Bulletin, nang barilin ng isa sa magkaangkas na suspek na nakasunod sa kanya sa national highway ng Barangay Kalanawi, President Quirino, dakong 8:40 ng umaga kahapon.
Sa salaysay sa pulisya ni Jay Diaz, anak ng biktima, nakaangkas siya sa ama nang barilin ito sa ulo ng suspek na nakaangkas sa motorsiklong nakasunod sa kanila.
Mahigit limang taon nang correspondent ng Balita si Diaz, at regular na sumusulat ng column sa local tabloid na Sapol News Bulletin, tinatalakay ang mga isyung gaya ng kurapsiyon sa gobyerno, ilegal na sugal at droga sa lalawigan.
Isang pulis si Diaz bago naging mamamahayag.
Kaagad namang kinondena ni John Paul Jubelag, presidente ng Socsksargen Press Club, ang nasabing pag-atake at nanawagan sa awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.
“The perpetrators against press freedom should be hailed to court,” sabi ni Jubelag.
Si Diaz ang ikalawang mamamahayag na napatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Disyembre ng nakaraang taon nang barilin at mapatay si Larry Que, publisher ng Catanduanes Now News, ng hindi nakilalang suspek sa Virac, Catanduanes.
Taong 2004 naman nang barilin at mapatay din ng nag-iisang suspek ang kolumnista ng isang lokal na pahayagan na si Marlene Esperat, sa Tacurong City, Sultan Kudarat.