Hinimok ni Sen. Kiko Pangilinan ang iba pang mga senador sa bagong minority bloc na sundan ang naging desisyon ni Sen. Chiz Escudero na sumama sa kanilang bagong majority bloc.
Photo courtesy: Senate of the Philippines
'Sumunod sa yapak ni Chiz!' Sen. Kiko, may panawagan sa Cayetano bloc
Sa panayam ng isang radio station kay Pangilinan nitong Biyernes, Hunyo 5, 2026, inihayag niya ang naturang panawagan.
“Ang panawagan natin sa ating mga kasamahan sa kabila na sumunod na sa yapak ni former Senate President Chiz Escudero,” ani Pangilinan.
Ipinanawagan din ni Pangilinan na dapat na raw tuluyang suportahan ng kapwa niya mga senador si Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Win Gatchalian.
“Ang Panawagan natin, tama na. Suportahan na nila si Win Gatchalian. And I know, in their hearts, many of them in the other side, alam nilang more than qualified si Sen. Win to be SP,” saad pa niya.
Matatandaaang tuluyang nahati ang paksyon ng mga senador sa Senado matapos magdaos ng sesyon ang minority bloc nang dumating si Sen. Chiz Escudero mula sa majority bloc—matapos ang ilang araw na hindi nila pagsipot sa sesyon.
Bunsod nito, agad na binakante ng Senado ang posisyon ng Senate President Pro Tempore kung saan naihalal si Sen. Win Gatchalian sa naturang posisyon at kalaunan ay idineklara bilang acting Senate President.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay nananatiling pinanghahawakan ni Sen. Cayetano na siya pa rin ang may hawak sa liderato ng Senado.